Tadhana by Luckwatchero published on 2016-01-02T18:59:41Z A poem for someone from the past. TADHANA Muli kong binuksan ang ating libro Libro na naglalaman ng ating mga kwento Mga kwento na masasaya at nagpapatibok sa aking puso Ngunit bakit tila sa dulo ng kwento’y may nagbago? Muli kong binalikan ang mga alaala ng nakaraan Nakaraan na tila nagsasabi na ikaw ay balikan Balikan upang muling buhayin ang ating pagmamahalan Ngunit bakit tila ang aking puso’y pagod nang masaktan? Sa bawat paglipat ng maninipis na pahina May parte sa aking puso na kumikirot nang bahagya Kirot na sumisigaw sa masasakit na alaala Mga alaalang nais ko nang mawala Muli kong ipinikit ang aking mga mata At sa pagbukas nito’y tumulo na ang mga luha Pinilit kong punitin ang mga huling pahina Ngunit tila may pumipigil kaya’t hindi ko magawa Muli kong isinara ang libro ng aking pagsinta Nagpunas ng mga luha at nag-isip nang bahagya Hindi ko man maintindihan ang lupit ng itinadhana Nawa’y aking pagsinta’y nag-iwan sa’yo ng marka Genre tadhana